Kwentong Biyahero: Ang Kumikitang Palusot
14 Comments Published by pob's on Monday, May 08, 2006 at 11:43 AM.Katulad daw ng pagkain ng fishball, hindi ka kabilang sa masang Pinoy kapag hindi mo alam ang ibig sabihin ng salitang "1, 2, 3".
May apat na dahilan kung bakit nagwa-one-two-three ang mga pasahero: una, wala talaga silang pambayad, pangalawa: trip lang nilang hindi magbayad, pangatlo: nakalimutan nilang magbayad, at pang-apat: kombinasyon ng alinman sa una, ikalawa, at ikatlo.
Katulad ng pangongodiko sa mga exams, mahirap din gawin ang pagwa-one-two-three. Kaya naman narito ang ilang mga tips para sa mga pasahero na nagbabalak makalibre sa pamasahe.
(Take note, applicable lang 'to sa mga PUJs and PUBs. Wag gagawin sa taxi o FX kung ayaw mong makalaboso.)
TIP #1: Syempre, pinakauna na ang walang kamatayang PAGKUKUNWARING TULOG. Kumita na 'to sa mga pelikula at hanggang ngayon, epektib pa din.
TIP #2: Kung sa isang Public Utility Jeepney (PUJ) sasakay, umupo sa pinakalikod ng driver, tapos lahat ng bayad ikaw ang mag-abot. 'Pag may nagpaabot ng bayad, sabihin ng malakas, "MANONG BAYAD PO O!" Sigurado lusot!
TIP #3: Kung sa mga Public Utily Bus (PUB) naman sasakay, maghanap ng lumang ticket at iipit ito sa iyong relo o singsing. Magkunyaring tulog 'pag lumapit si Mr. Kundoktor. Siguraduhin lang na makikita nya ang ticket na nakaipit.
TIP #4: Mabisang paraan din para makalibre ng pamasahe ang pakikipag-chikahan sa driver (o konduktor). Yun bang feeling close na agad kayo kahit hindi naman kayo magkakilala. (Note: Magandang topic ng usapan ang tungkol sa pagtaas ng presyo ng gasolina)
TIP #5: Para ulit sa PUB, pagkasakay na pagkasakay pa lang, pumunta agad sa unahan at sabihin ng malakas ang mga katagang, "MAGANDANG UMAGA PO SA INYONG LAHAT. AKO PO SI JUAN NA KASALUKUYANG EMPLEYADO NG KUMPANYANG ALPHA-ALPHA. KAMI PO AY KASALUKUYANG NAKA-WELGA SAPAGKAT BLAH BLAH BLAH..."
Pwede din ang mga katagang.. "AYON SA BIBLIYA, ANG MGA HINDI NAGBIBIGAY AYON SA KANYANG KALOOBAN AY MAPUPUNTA SA BLAH BLAH BLAH..."
Libre na sa pamasahe, magkaka-pera ka pa.
TIP #6: Maaari ding magkunwaring may kapansanan kung sa PUB sasakay. Kunwari di ka makapagsalita at makarinig. Ang alam mo lang sabihin ay, "Aht.. Aht.. Aht.." (Ingat lang sa pag-para)
TIP #7: Sa PUJ naman. Pagsakay ng jeep, ilabas agad ang iyong panyo at punasan ang sapatos ng lahat ng mga pasahero. Tapos umupo sa gitna. Dun ka lang hanggang dumating ka sa bababaan mo.
TIP #8: Habang nakapila yung jeep o bus na sasakyan mo, magtawag ng pasahero (BAYAN! BAYAN! AALIS NA! KABILAAN HO YAN! DALAWA SA KALIWA.. BLAH BLAH..) Tapos 'pag umandar yung sasakyan, sumabit ka na lang.
TIP #9: Magkunwaring lasing na lasing at wala na sa katinuan pa para bumunot ng wallet at magbayad.
TIP #10: At ang pinakahuli at pinaka-effective sa lahat, magkunwaring PULIS! Hahaha.. Kelangan pa bang i-memorize yan?!